Mula sa huling pagpupugay sa mga lumang watawat hanggang sa paggunita sa Araw ng Kalayaan, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng serye ng mga seremonya upang magbigay-pugay sa kasaysayan at pag-alabin ang diwang makabayan ng mga Pilipino noong Hunyo 11–12, 2026, sa Dambana ng Pambansang Watawat, Imus Heritage Park na pinangunahan ng Office of the City Tourism and Heritage Officer (OCTHO). Isinagawa noong Hunyo 11 ang seremonya ng Huling Pagpupugay sa Pambansang Watawat, katuwang ang Local Scout Council Committee ng Boy Scouts of the Philippines at Girl Scouts of the Philippines. Bahagi ng tradisyon ang pagsusunog ng mga luma at sirang watawat bilang tanda ng paggalang at pagpapanatili ng dignidad ng pambansang sagisag. Inilagak naman ang mga abo sa kanilang himlayan na bahagi ng huling pagpupugay. Naging panauhing pandangal si Dr. Lito A. Palomar, Officer-in-Charge—Schools Division Superintendent ng Department of Education–Schools Division Office of Imus na nagbigay-diin sa kahalagahan ng watawat bilang sagisag ng pagkakaisa at kasarinlan ng bansa. Dumalo rin ang mga punong-guro mula sa Imus National High School, Malagasang I at II Elementary School, at Tomas Mascardo National High School, kasama ang iba pang guro, mag-aaral, at mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Samantala, noong Hunyo 12 ay pinangunahan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at Sangguniang Panlalawigan, ang pagtataas ng Pambansang Watawat bilang paggunita sa ika-128 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas. Sinundan ito ng Panunumpa ng Katapatan sa Watawat na pinangunahan ni Chief of Staff Atty. Tricia Marie B. Villaluz-Barzaga. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor AA ang kahalagahan ng pag-alala sa mga sakripisyo at kabayanihang ipinamalas ng mga ninuno para sa kalayaan ng bansa. “Walang tutulong sa bawat Pilipino kundi tayong mga Pilipino rin. Kaya patuloy tayong magsama-sama, magkaisa, at magkaroon ng malasakit sa ating bansa,” ani Mayor AA. Nagpasalamat naman si Acting CTHO Dr. Jun Paredes sa lahat ng nakiisa sa pagdiriwang, kabilang ang mga department at unit head ng lokal na pamahalaan at mga miyembro ng Veterans Federation of the Philippines (VFP). View this article on Facebook
