Pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus at Hukbong Dagat ng Pilipinas, ang pagdiriwang ng National Flag Days at paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Labanan sa Alapan na ginanap sa Dambana ng Pambansang Watawat, Imus Heritage Park nitong Mayo 28, 2026. Isinagawa ang programa sa ilalim ng temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan” bilang pag-alala sa makasaysayang tagumpay sa Labanan sa Alapan noong 1898, kung saan unang nakamit ng Republika ng Pilipinas ang tagumpay para sa kasarinlan ng bansa. Bilang suporta sa programa, dumalo at nagbigay ng mensahe si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan, tulad ng ipinamalas ng Himagsikang Pilipinong lumaban sa Alapan para sa kalayaan. “Nakita natin at naipakita ng ating mga kababayan na ang pagkakaisa at pagtutulungan ay malayo ang nararating sa pag-unlad ng ating lungsod,” saad ni Mayor AA. Ipinahayag naman ni NHCP Chairperson Regalado Trota Jose Jr. ang kahalagahan ng kasaysayan at ng Pambansang Watawat bilang sagisag ng pakikibaka, sakripisyo, at mithiin ng sambayanang Pilipino. Nagbahagi rin ng pakikiisa sina Senador Joseph Victor “JV” Ejercito at Secretary of the Interior and Local Government Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr.. Isang makabayang talumpati naman ang ibinahagi ng panauhing pandangal na si Cavite Governor Francisco Gabriel “Abeng” Remulla hinggil sa demokrasya at kasarinlan. Nakiisa rin sa programa sina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, Veterans Federation of the Philippines (VFP), at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Nagtapos ang programa sa sabayang pagbandera ng mga Pambansang Watawat na hawak ng mga dumalo habang tumutugtog ang awiting “Samu’t Saring Iisa” ni Kent Charcos, bilang sagisag ng pagkakaisa ng bawat Pilipino. Magtatagal ang pagdiriwang ng National Flag Days hanggang Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, bilang pagpupugay sa Pambansang Watawat at sa mga bayaning nagtaguyod ng kalayaan ng bansa. View this article on Facebook
