isinulat ni Izabella Aleli Cruz Sa ikaapat na pagkakataon, nagharap-harap ang siyam na clusters para sa tagisan ng galing sa volleyball sa ganap na pagbubukas ng 4th Congressman AJ Cup Inter-Cluster Volleyball Tournament nitong Mayo 17, 2026, sa City of Imus Sports Complex. Pinangunahan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang opening ceremony, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa suporta nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, at mga konsehal. Kalahok dito ang siyam na clusters sa Imus na kinabibilangan ng 18 koponan sa women’s at men’s divisions. Dito, maipakikita ng mga atletang Imuseño ang kanilang husay sa larong volleyball upang maging aktibo at malayo sa masasamang bisyo, higit sa mga ipinagbabawal na gamot. Ayon kay City of Imus Sports Development Unit Officer-in-Charge (OIC) Jericho Reyes, patuloy na isinusulong ng liga ang paghubog sa talento ng mga atletang Imuseño. Sa unang laro ng men’s division, nagwagi ang Cluster 6 Clutchers laban sa Cluster 7 Tamaraws. Pinatunayan naman ng Cluster 1 Lady Heroes kontra Cluster 9 Lady Titans sa unang laro ng women’s division na karapat-dapat sa kanila ang titulong defending champions. Matatandaang nakuha ng Cluster 1 Lady Heroes ang kampeonato sa nakaraang AJ Cup Inter-Cluster Volleyball Tournament. Samantala, ipinabatid ni Sangguniang Kabataan Federation Provincial President Chelsea Sarno na patuloy nilang isusulong ang pagkakaroon ng taunang inter-town volleyball tournament upang lalo pang mapalakas ang sports development sa lalawigan. Abangan ang susunod pang maaaksyong tunggalian sa 4th Congressman AJ Cup Inter-Cluster Volleyball Tournament na gaganapin sa City of Imus Sports Complex. View this article on Facebook
