isinulat ni Marian Kristine Foz Suporta at tiwala ang ibinigay ng Pamahaalang Lungsod ng Imus at ng Schools Division Office sa 62 atletang Imuseñong irerepresenta hindi lamang ang Imus, kundi ang rehiyon ng CALABARZON sa 2026 Palarong Pambansa sa ginanap na Send-Off Ceremony nitong Mayo 18, 2026, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Binigyang-pugay ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga atleta at ipinahayag ang buong puso niyang suporta sa mga ito. “Ang bawat takbo at lakas na inyong gagamitin ay nakalaan sa minamahal na Lungsod ng Imus,” ani Mayor AA. Kaakibat ng suporta ng lokal na pamahalaan sa mga kalahok ang pagkaloob ng allowance, bagong sapatos, at maayos na tulugan bilang paghahanda sa idaraos na Palarong Pambansa sa Agusan del Sur mula Mayo 24–31. Nagpahayag din ng suporta sa mga atleta sina Schools Division Superintendent (SDS) Officer-in-Charge Lito Palomar, Assistant SDS Glenda Catadman, at Dr. Marciano Valles. Irerepresenta ng mga kabataang atleta ang CALABARZON sa iba’t ibang larangan sa Palarong Pambansa na kinabibilangan ng football, softball, athletics, basketball, archery, swimming, at taekwondo. View this article on Facebook
