isinulat ni Marian Kristine Foz Nagsama-sama ang 3,225 siklista para sa ikatlong taon ng Shopwise Bike Fest PH na pinangunahan ng Shopwise at Sunrise Events PH nitong Linggo, Mayo 17, 2026, sa Vermosa, Barangay Pasong Buaya II. Iba’t ibang kategorya ang itinampok sa aktibidad kabilang ang 60km, 45km, at 30km rides, pati na rin ang fun rides para sa mga bata. Dahil sa mga kategoryang inihanda, malayang nakilahok ang mga siklista mula sa iba’t ibang antas ng karanasan. Nagkaroon din ng isang media conference, kung saan ibinahagi ng celebrity athletes at content creators, gaya nina John Vic De Guzman, Jeff Moses, Aira Lopez, Alou Lopez, at iba pa, ang kanilang naging karanasan sa Bike Fest 2026. Binigyang-diin naman nina Shopwise Marketing Manager Felin Inolino, Sunrise Events PH President at General Manager Princess Galura, at City Administrator Lauro Monzon ang kahalagahan ng pagdaraos ng cycling events upang mapatibay pa ang komunidad nito. Dumalo rin sa aktibidad ang iba pang kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na sina City Information Officer Ervin Ace Navarette, City of Imus Sports Development Unit Officer-in-Charge (OIC) Jericho F. Reyes, City Disaster Risk Reduction and Management Officer Marisel Cayetano, at City of Imus Traffic Management Unit OIC PLT Elerico Hayag (Ret). Ayon sa pamunuan ng Shopwise at Sunrise Events Philippines, inaasahan nilang aabot sa 4,000 siklista ang magbibisikleta sa Shopwise Bike Fest 2027. Taunang idinaraos ang Bike Fest PH upang mahikayat pa ang publiko, bata man o matanda, na makihalok sa ligtas at inklusibong pagbibisikleta para sa kalusugan at pagkakaisa. View this article on Facebook
