Pundasyon ng pag-unlad, kasalukuyang kaunlaran, at pagtanaw sa kinabukasan ang sentro ng pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng pagiging lungsod ng Imus nitong Hunyo 30, 2026, sa pagbubukas ng isang natatanging eksibit sa bagong tahanan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus: ang New Imus City Government Center. Nanguna sa seremonya ng ribbon cutting ng eksibit si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, kasama sina Cavite Third District Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, at Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan. Bahagi rin ng selebrasyon sina Board Member Ony Cantimbuhan, Board Member Lloyd Jaro, Cavite Sangguniang Kabataan Federation President Chelsea Sarno, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, at department at unit heads. Matutunghayan sa limang haligi ng eksibit ang kasaysayan ng pagiging munisipalidad ng Imus hanggang sa ito ay maging isang ganap na lungsod, ang kasalukuyang progreso nito, at ang mga pagbabagong maaaring asahan ng mga Imuseño. Sa kanyang mensahe, inilarawan ng alkalde kung paano niya nasaksihan ang pag-unlad ng Imus. “Nakita natin ang transformation ng ating lungsod from dati iilan ang kalye, iilan ang establishment, iilan lang talaga ang development sa nangyayari sa ating lungsod. Pero, nung naging ganap na siyudad tayo, nakita natin ang pagbabago ng ating lungsod. Nakita natin kung paano umangat, kung paano [ito] umasenso,” ani Mayor AA. Sa kabila ng mga magagandang pagbabago sa ilalim ng kanyang administrasyon, hindi nalimutang pasalamatan ng alkalde ang mga Imuseñong nasa likod ng pag-unlad ng Imus, gayundin ang mga nagtiwala at patuloy na nagtitiwala sa lokal na pamahalaan. “Balik-tanaw natin ‘yong mga namuno, kaya may exhibit tayo rito. . . balik-tanaw kung saan tayo nag-umpisa at [kung saan] nakikita nating [tayo ay] tumataas at lumalago, pero hindi mangyayari yang mga bagay na ‘yan kung hindi ko kayo katulong lahat dito sa ating lungsod. Kaya maraming, maraming salamat sa patuloy niyong pagsuporta, pagtitiwala, at kita naman natin, ramdam na ramdam ng ating mga kababayan na mayroong gobyernong umaaalalay,” pahayag ni Mayor AA. Nagtapos ang munting pagdiriwang sa isang misa ng pasasalamat na pinamunuan ni Lubhang Kagalang-galang na Obispo Reynaldo Evangelista. Ang Lungsod ng Imus ay ganap na naging lungsod noong Hunyo 30, 2012, matapos pormal na pagtibayin ng 90 porsyentong Imuseñong bumoto pabor dito ang Batas Republika Blg. 10161 sa pamamagitan ng isinagawang plebisito sa parehong araw. Magtatagal ang naturang eksibit hanggang Hulyo 31, 2026. View this article on Facebook
