City of Imus

4th Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament, nagsimula na



April



Opisyal nang binuksan ng tanggapan ni Cavite Third District Representative Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, ang Ikaapat na Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament noong Abril 11, 2026, sa City of Imus Sports Complex.

Muling maghaharap ang 20 koponan na kinabibilangan ng Toclong, Tanzang Luma, Poblacion, Pasong Buaya, Pag-asa, Medicion Primero at Segundo, Carsadang Bago Uno at Dos, Malagasang Primero at Segundo, Bucandala, Bayan Luma, Anabu Uno at Dos, Alapan Primero at Segundo, Buhay na Tubig, Palico, at Bahayang Pag-Asa.

Ayon kay Cong. AJ, taunang isinasagawa ang Congressman AJ Cup para malinang ang talento ng bawat kabataang Imuseño at mailayo sila sa masasamang bisyo, tulad ng droga.

“Sa totoo lang maraming mga talents, maraming magagaling dito sa Lungsod ng Imus. Ito yung pagkakataon, ito yung plataporma nila para mapakita nila ‘yong kanilang mga angking galing. At the same time, advocacy din natin na ilayo ‘yong mga kabataan sa masamang bisyo,” pahayag ng kongresista.

Nanguna sa Panunumpa ng Sportsmanship ang Season Most Valuable Player noong nakaraang taon na si Mac Adrian Balowa. Sinundan ito ng ceremonial toss para sa exhibition game ng Imus All Stars at Letran Knights, kung saan nagwagi ang Imus sa puntos na 99-97.

Nagpahayag din ng suporta si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa larangan ng sports sa kanyang pagdalo at pangakong pagdaragdag ng P20,000 sa nakalaang premyo kung magiging matiwasay at mapayapa ang lahat ng mga laro sa liga.

“Isang daang porsyento ang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa sports at ito ay napakahalaga. Dito nagkakaroon ng magandang relasyon ang bawat isang player at sa mga kabataan dito sa ating lungsod. Pero, pinakaimportante sa lahat ay magkaroon sila ng disiplina,” pabatid ng alkalde.

Agad na sumabak sa paghaharap-harap ng mga koponan ang Anabu Dos at Palico, kung saan nakapuntos agad ang Palico sa iskor na 79-69.

Bago magsimula ang mga laro, pinagsigla ng Sinagtala Performing Arts Group ang liga sa kanilang dance performance kasama ang mga kalahok ng Battle of Muse. Binigyang-kulay ng 15 kinatawan ang kani-kanilang barangay. Hinirang na pinakamaganda ang pambato ng Barangay Buhay na Tubig na ginawaran ng P20,000.

Ang lahat ng laban sa Ikaapat na Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament ay gaganapin sa City of Imus Sports Complex. Bukas ito para sa lahat ng mga Imuseñong nais suportahan ang kani-kanilang barangay.

Masusubok din ang katatagan ng Bahayang Pag-asa na nasungkit ang kampeonato noong nagdaang taon.