City of Imus

Imus Arts Month 2026: Katotohanan at giting sa sining



February



Buhay na buhay ang sining at kulturang Imuseño sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining 2026 ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ngayong Pebrero 2026.

Umani ng pagkilala at paghanga ang likha ng mga Imuseñong alagad ng sining sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na kanilang nilahukan sa pangunguna ng Office of the City Tourism and Heritage Officer (OCTHO).

SiningSinta: Likha ng Pusong Imuseño (On-the-spot Painting Contest)

Nasubok ang pagiging malikhain at bilis ng 26 na Imuseñong alagad ng pagpipinta sa ikalawang taon ng SiningSinta: Likha ng Pusong Imuseño (On-the-spot Painting Contest) na ginanap nitong Pebrero 16, sa pakikipagtulungan ng Office of the City Information Officer sa OCTHO, upang lalo pang malinang ang malikhaing talento ng mga Imuseño.

Hinirang na pinakamagaling si Miguelito Maaba sa kanyang obrang pinamagatang “Imus sa Kamay ng Bagong Henerasyon.” Siya rin ay nag-uwi ng P25,000 premyo at plake. Sinundan si Maaba ni Mark Anthony Paez na nilikha ang obrang pinamagatang “Isang Bayan” at ginawaran ng P20,000. Pumangatlo naman si Vincent Japson na nilikha ang obrang “Balik Tanaw” na nakapag-uwi ng P15,000.

Pitong finalist ang nag-uwi ng papremyong nagkakahalaga ng P10,000. Ang mga finalist ay sina Mary Joyce Nicolas (Imus: Noon at Ngayon), John McRay Haplasca (Imusenyo Blue-print), Rodolfo Vera Cruz Jr. (Imusayang Fiesta), Nicho Laspoña (Kagandahan ng Imus), Joseph Mark Pactor (Batang Imusenyo), Narciso Sarceno III (Kauna-unahang Pagwagayway), at Anjelo Noah Marqueses Ordoño (Ang Pagsilang ng Araw sa Tulay Isabel).

Samantala, ang natirang 16 na kalahok ay nakatanggap ng P6,000 consolation prize.

Sa pamamagitan ng aktuwal na pagpipinta, nasaksihan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang natatanging talento ng mga Imuseño. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng sining sa pagpapalakas ng pagkakakilanlan ng Imus.

Bahagi rin ng programa sina City Administrator Larry Monzon, City Information Officer Ervin Ace Navarette, at Acting City Tourism Officer Dr. Jun Paredes na nagbahagi ng kanilang suporta sa mga Imuseño.

Ang SiningSinta ay taunang programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus tuwing Pebrero na layong palakasin ang pagpapahayag ng pagmamahal sa sining.

Buhay at Sining ng Tatlong Imuseño

Musika. Teatro. Sayaw. Tatlong Imuseñong alagad ng sining na isinabuhay at binuhay ng kani-kanilang pinili at minamahal na sining.

Imus Youth Symphonic Band, Band Manager

Una na rito ay si Imus Youth Symphonic Band, Band Manager Ariel Constantino na ibinuhos ang kanyang buhay sa musika at banda matapos mangibang-bayan ng kanyang tatay.

Simula noon ay naging adbokasiya na niya at ng kanyang mga kapatid ang magturo sa mga bata kung paano tumugtog ng iba’t ibang instrumento ng isang marching band. Inilahad din niya ang kahalagahan ng pagbabahagi ng talento sa mga bata dahil sila ang magtutuloy ng sining ng pagtugtog.

Sa Pilipinas man o sa ibang bansa, bitbit ng Imus Youth Symphonic Band ang pangalan at karangalan ng lungsod.

Lazarus PH Director

Malikhaing galaw ng katawan ang pinagyaman ni Lazarus PH Director Justine Alarcio Cruz dulot ng kanyang walang-sawang pagmamahal sa sining ng pagsasayaw. Ayon sa kanya, karangalan niya at ng kanyang grupo ang mairepresenta ang Pilipinas sa iba’t ibang kompetisyon sa labas ng bansa.

Ibinahagi rin ni Cruz kung paano niya nalampasan ang pandemya noong mga nakaraang taon sa pamamagitan ng pagsasayaw. Aniya, malaking tulong ang internet upang patuloy siyang makapaghanap buhay sa pamamagitan na pagbuo ng mga sayaw.

Dagdag pa niya na gaano man katagal ang paggawa ng sayaw, ang pagtatanghal naman ng mga ito ang nagbibigay-galak sa kanyang puso.

SPECS Artistic Director

Ang pagmamahal ni SPECS Artistic Director Dwight Angelo Vito Cruz sa teatro ang kanyang dahilan sa araw-araw upang patuloy na pagsikaping umarte at ibahagi ito sa mga bata, anumang pagod ang kanyang nararanasan.

Ipinahayag niya kung paano nakatataba ng puso ang maging isa sa mga dahilan upang mabago ang buhay ng mga batang may talento sa pag-arte.

Bagaman malaki ang paniniwala na walang pera sa sining, para kay Cruz, mayroong pera sa sining. Kailangan lamang itong hanapin at aralin—aralin ang sining na nababagay sa iyo at hanapin ang mga taong susuporta sa iyong talentong hinuhubog.

Ani ng Pagmamahal: Love Art Fair 2026

Makulay at nag-uumapaw ng malikhaing talento ang tatlong araw na pagdaraos ng Ani ng Pagmamahal: Love Art Fair 2026 sa mga araw ng Pebrero 13, 20, at 27, sa Imus City Plaza, na ilang taon nang katuwang ng mga alagad ng sining sa pagsusulong na mas mahalin ng mga Imuseño ang lokal na sining.

Opisyal na nagbukas ang Love Art Fair sa pagsasagawa ng Comic Art Painting Workshop ng kilalang alagad ng obra na si Pol Medina Jr. na gumuhit sa Pugad Baboy—isang sikat na comic strip na inilalarawan ang iba’t ibang isyung politikal.

Tampok din sa pagbubukas ang Still Life Painting Workshop nina Dereck O. Peña at John McRay Haplasca, gayundin ang 18 BazaART merchants na puno ng naggagandahang likhang sining at produkto.

Nanguna sa pagbubukas ng naturang Art Fair ang panauhing pandangal na si Board Member Ivee Jayne Reyes—namumuno sa Komite ng Turismo, Kultura, Pamana, at Pampublikong Impormasyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Cavite. Kasama rito sina Cavite Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Chelsea Jillian Sarno, Konsehal Shernan Jaro, Konsehal Enzo Asistio, Imus SK Federation President Glian Ilagan, Chief of Staff Atty. Tricia Marie Villaluz, bilang kinatawan ni Mayor AA, at Acting City Tourism Officer Dr. Jun Paredes.

Binigyang-sigla ng iba’t ibang Imuseñong musikero at mananayaw ang ikalawang araw ng Love Art Fair nitong Pebrero 20. Nagpasikat sa entablado ang HRY, Kalye Nobenta, 1’MUS, at ang UCC Performing Arts Class.

Isang Ceramic Painting Workshop naman ang ibinahagi ni Kimberly Sy at isang Basic Acrylic Workshop ang inihandog ni Rosauro Abihay para sa mga Imuseñong nais matutunan ang mga sining na ito.

Sa pagtatapos ng art fair, nasaksihan ang iba’t ibang likha ng mga Imuseño sa mga nagdaang workshop sa pamamagitan ng isang exhibit. Nagbigay ito ng pagkakataon para sa mamamayan na ipahayag ang kanilang mga sarili sa malikhaing paraan.

Nagtanghal din ang Commonwealth Band No. 1 sa kanilang Marching Band Show at Instrument Petting Zoo na bahagi rin ng pagdiriwang nila ng ika-120 anibersaryo ng pagkakatatag.

Taunang ipinagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Ani ng Pagmamahal: Love Art Fair tuwing Pebrero, bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Pambansang Buwan ng Sining.

Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting” na binibigyang-diin kung paano pinatitibay ng sining ang katotohanan, katapangan, at kolaborasyon, at kung paano ito nakatutulong sa pag-unlad ng mga komunidad, responsableng pamamahala, at pangmatagalang pamamayagpag ng lipunan.

“Buhay ang sining. Buhay ang kulturang Pilipino.”