City of Imus

Aaksyon Caravan sa Alapan Primero: mahigit 2,000 Imuseño naserbisyuhan



February



Iba’t ibang serbisyo ang naihatid sa 2,172 Imuseño sa muling pag-arangkada ng Aaksyon Caravan nitong Pebrero 21, 2026, sa Alapan I Elementary School.

Hatid ng muling paglulunsad ng caravan ang mga karagdagang serbisyo gaya ng libreng binhi ng Office of the City Agriculturist at local recruitment activity ng Public Employment Service Office para sa mga naghahanap ng trabaho.

Bahagi rin dito ang libreng medikal na konsultasyon, bunot ng ngipin, at gamot sa pagtutulungan ng Office of the City Health Officer at Ospital ng Imus. Handog naman ng tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang libreng pustiso, gayundin ang pagbibigay ng guarantee letters para sa pampaospital ng mga nangangailangan.

Nakatanggap din ng libreng legal na konsultasyon, notaryo, at late birth registration ang mamamayan sa tulong ng Office of the City Legal Officer at Office of the City Civil Registrar.

Muli ring tinugunan ang mga pangangailangan ng senior citizens, mga may kapansanan, solo parents, at mga Imuseñong kapos sa buhay.

Nangumusta rin si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa mga Imuseño sa kanyang pag-iikot at sa pamamagitan ng kanyang People’s Day, kung saan nakausap niya nang mabuti ang mamamayan.

Personal namang nagbigay-pagbati si Cong. AJ at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus sa mga residente.

Tuloy-tuloy na maghahatid ng mga pangunahing serbisyo para sa mga Imuseño ang Aaksyon Caravan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pag-iikot nito sa mga barangay.