Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang pinakabagong parke para sa mga Imuseño, ang City of Imus Park – Maharlika, nitong Pebrero 16, 2026, sa pangunguna ng Office of the City Tourism and Heritage Officer. “Isa po sa priorities natin ay ‘yong mga parks kasi [r]ito sa mga park na ganito, kita niyo ‘yong mga bata, hindi pa nag-umpisa halos, [pero] napaglalaruan na nila yung ating mga rides dito. Kasi nakita ko nawala na po yung dating playing area ng mga bata, puro cellphone na lang, computer sa bahay,” saad ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula na nanguna sa pormal na pagbubukas ng naturang parke. Sinamahan siya ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungosod ng Imus, kinatawan ng Delfin Hermanos, Inc. na ipinagkaloob ang lupang kinatatayuan ng parke, mga punong barangay ng Cluster Six— kinabibilangan ng mga barangay Bagong Silang, Magdalo, Maharlika, Mariano Espeleta I, II at III, Pinagbuklod, at Pasong Buaya I at II—at mga residente. “Bilang inyong punong barangay, tinatanggap ko ang responsibilidad na ito nang may pagpapakumbaba at pangakong pangangalagaan, poprotektahan, at titiyaking magagamit ito ng mga residente sa mahabang panahon,” pahayag ni Punong Barangay Gina Hynson ng Barangay Maharlika. Tampok sa 845-square-meter na parke ang espasyo para sa mga matatanda at mga bata, pang-ehersisyo, wellness area, activity area, palikuran, pati na rin ang grotto ng Mahal na Birhen ng Lourdes na matagal nang binabantayan ang espasyo bago pa ito maging isang ganap na parke. Ang lugar para sa pag-ehersisyo at matatanda ay mayroong single chest press, sit up bench, single air walker, spinning bicycle, at tai-chi. Maaari namang maglaro ang mga bata sa slide with monkey bar, two-seater arch swing, see-saw, mini merry go round, at spring riders. Maaaya rin ang mga kaibigan at pamilya sa isang salusalo sa tatlong picnic tables na matatagpuan dito. Inihayag din ni Mayor AA sa kanyang talumpati ang plano ng pamahalaang lokal sa pagbubukas ng karagdagang parke sa mga barangay Malagasang, Bucandala, at Pasong Buaya. Bukas ang City of Imus Park – Maharlika araw-araw mula 6:00 A.M. hanggang 8:00 P.M. para sa lahat ng mga residente, anuman ang kanilang edad.