City of Imus

Feb-ibig Month 2026: Pagmamahalan ng mga Imuseño



February



Nangibabaw ang pagmamahalan sa Imus ngayong Pebrero 2026 sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan ng pagpapahayag ng pag-ibig, bilang pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Puso.

Sa pagsapit pa lang ng Pebrero, umilaw na ang hugis-pusong traffic lights sa mga pangunahing kalye sa lungsod.

Namahagi rin sina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ng mga tsokolate sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan nitong Pebrero 13.

Kilig at saya ang naramdaman ng 25 pares na nanalo sa Valentine’s movie at lunch date sa Ayala Malls Vermosa, hatid ni Cong. AJ, nitong Pebrero 14 matapos ibahagi ang kanilang matatamis at kaantig-antig na kuwento ng pag-ibig.

Naging mas espesyal naman ang kasalan ng 30 magkabiyak sa idinaos na Kasalang Imuseño nitong Pebrero 18 sa Function Hall, New Imus City Government Center.

Sa pagkasal ni Mayor AA, naghabilin siya sa mga bagong kasal na ilagay ang Diyos sa sentro ng relasyon upang magabayan sila sa buhay mag-asawa, kung saan walang sinuman ang nasasaktan.

Nanguna naman sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos si Pastor Ramil Ilano, habang nagpahayag ng pagkagalak sa mga bagong kasal si Cong. AJ sa pamamagitan ng isang video message.

Bago matapos ang seremonya, hinandugan ang mga magkabiyak ng mga munting regalo upang makatulong sa kanilang bagong buhay bilang mag-asawa.

Sa kabuuan, umabot na sa 850 pares ang naikasal sa Kasalang Imuseño.

Para sa Pamahalaang Lungsod ng Imus, ang pagmamahalan sa bawat isa ay ang dapat mangibabaw sa araw-araw.