City of Imus

Tanglaw sa Paskong Imuseño 2025: Taon ng Pagdiriwang at Pagbabahagi



December



Makulay. Maningning. Masigla. Ganito mailalarawan ang selebrasyon ng Kapaskuhan sa Imus ngayong Disyembre 2025.

Sa pagsisimula pa lamang ng buwan ay natunghayan na ng mga Imuseño ang tanglaw na hatid ng pagsindi sa higanteng Christmas Tree at iba pang mga palamuti sa paligid ng Imus City Plaza.

Nanguna sa pagbubukas ng Paskong Imuseño sina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, mga konsehal, at mga namumuno sa tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Sa naturang gabi rin naganap ang pormal na pagbubukas ng “ImuSarap at Saya Christmas Bazaar,” kung saan nakapamili ng malilinamnam na pagkain at inumin at iba pang lokal na produkto ang mga Imuseño mula sa 55 maliliit na negosyo.

Inilunsad din ng Office of the City Tourism and Heritage Officer ang pinakabagong kompetisyon na “Tinig at Tanglaw: Imus Celebrity Clone Challenge.” Nagharap ang 10 finalist na nagtanghal bilang kanilang napiling artista, mang-aawit, o celebrity icon. Nag-uwi ng Php15,000 ang itinanghal na Ultimate Celebrity Clone.

Kasabay nito, umilaw din sa galaw ng trapiko ang Christmas-themed traffic lights sa Imus. Tampok dito ang hugis Christmas Tree, gingerbread man, at Christmas ball.

Bukod dito, namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng Pamaskong Handog para sa bawat pamilyang Imuseño.

Upang masiguro ang ligtas na pagdiriwang, nagsagawa ng masusing inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa Imus Palengke noong Disyembre 10, sa pangunguna nina Economic Enterprise Management Unit Officer-in-Charge Peter Simon Lara at Office of the Local Economic Development and Investment Promotions Officer Jhett Vilbar-Lungcay. Tiniyak nila na mayroong Philippine Standard (PS) mark o Import Commodity Clearance (ICC) sticker ang Christmas lights. Ang mga produktong walang marka ay kinumpiska.

Mas pinasigla rin ng lokal na pamahalaan ang Simbang Gabi ng mga Katolikong Imuseño sa pamamahagi ng mga libreng kakanin matapos ang Misa de Aguinaldo sa ilang mga simbahan na kinabibilangan ng Katedral ng Imus, Saint Martha Parish Church, St. James the Greater Parish, Immaculate Heart of Mary Parish, at Parish of the Holy Family.

Sa Lungsod ng Imus, ang pagdiriwang ng Pasko ay napuno ng pagbabahaging patuloy na nagbibigay ng tanglaw sa bawat Imuseño.