City of Imus

Mayor AA, dumalo sa mga pagtitipon ng M4GG ngayong Disyembre



December



Naging bahagi si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa mahahalagang talakayan ng Mayors for Good Governance (M4GG) noong Disyembre 3 at 18, 2025, na ginanap sa Lungsod Quezon at Lungsod Maynila para sa patuloy na pagsusulong ng mabuting pamamahala.

Una nang pinulong ng mga alkalde si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon. Napag-usapan dito ang pagpapaigting sa ugnayan ng DPWH at ng mga lokal na pamahalaan para sa mabilis na pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura at ang programang Oplan Kontra Baha sa gitna ng mga isyung kinasasangkutan ng flood control projects.

Inilahad din ng kalihim ang planong pagtatatag ng kasunduan sa pagitan ng DPWH, Department of Education (DepEd), at mga lokal na pamahalaan para sa pagbabalangkas ng Classroom Catch-Up Plan hinggil sa pagtatayo ng mga karagdagang silid-aralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaugnay nito, nakipagdayalogo ang mga miyembro ng M4GG kay DepEd Secretary Sonny Angara upang mas mapagkasunduan ang mga pagbabagong mas mag-aangat sa kalidad ng edukasyon. Sentro ng usapin ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan, wastong paggamit ng Special Education Fund (SEF), at maging ang pagsiguro sa maayos na kalagayan ng mga guro at mag-aaral.

Naniniwala si Mayor AA na ang pagkakaisa ng mga lider ng bansa ay hahantong sa magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino.