City of Imus

Philippine Marian Pilgrimage Tour, bumisita sa Imus



December



Mainit na sinalubong ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, katuwang ang Department of Tourism – Calabarzon at Diyosesis ng Imus, ang mga bisita mula sa Philippine-based tour consolidators at inbound operators mula Vietnam at Indonesia noong Disyembre 4, 2025, sa Katedral ng Imus para sa promosyon ng Virgenes Coronadas de CALABARZON na bahagi ng Philippine Marian Pilgrimage Tour.

Nanguna sa pagsalubong sa mga bisita sina Lubhang Kagalang-galang Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Imus at Acting Office of the City Tourism and Heritage Officer Dr. Jun Paredes.

Ipinakilala ni Obispo Evangelista ang mga canonically crowned na imahe ni Maria sa Cavite na kinabibilangan ng bagong koronang Our Lady of Fatima ng Binakayan, Kawit at Our Lady of the Most Holy Rosary – Reina de Caracol ng Rosario.

Nilibot din nila ang Katedral ng Imus at ang paligid nito, kabilang na ang Bishop’s House, Heritage Bells, Hall of Saints, at Saint Ezekiel Moreno Garden. Bukod dito, nasaksihan ang tradisyon ng karakol sa patrona ng Imus na si Nuestra Señora del Pilar at ang prusisyon sa saliw ng Himno del Pilar ng Imus Youth Symphonic Band ’83.

Bago matapos ang pagbisita, nagkaroon ng simpleng salusalo ang mga delegado, tampok ang mga pagkaing Imuseño na pansit langlang, puto, kutsinta, at Imus longganisa.