Sinimulan ng City of Imus Traffic Management Unit (CITMU) ang pagbabahagi ng kaalaman sa junior high school students sa Imus patungkol sa matalino at ligtas na paggamit ng kalsada sa programang Road Safety Awareness nitong Oktubre 21, 2025, sa General Emilio Aguinaldo National High School (GEANHS). Natutunan ng humigit-kumulang 150 mag-aaral ang tungkulin at responsibilidad ng mga pedestriyan, pasahero, siklista, at motorista, gayundin ang mga aksidenteng kalimitang kinasasangkutan ng mga kabataan sa daan. Nakapaloob dito ang pagsunod sa right of way o pagbibigay prayoridad sa mga pedestriyan at sasakyan, base sa kanilang posisyon sa kalye, mga panganib ng distracted driving at walking o pagmamaneho at paglalakad nang hindi nakatuon ang atensyon, overspeeding o pagpapatakbo ng sasakyan na lagpas sa itinakdang bilis, visibility o linaw ng nakikita sa daan, at mga panganib na kaakibat ng lagay ng panahon. Ipinaliwanag din ng traffic enforcers ang karaniwang traffic signs at markings, ligtas na pag-overtake o pansamantalang paglipat ng linya sa kalsada, at kahalagahan ng pagsusuot ng helmet o seatbelt, disiplina sa paggamit ng kalsada, pag-iwas sa counterflow o pagmamaneho sa kasalungat na linya ng kalsada, at maingat na pagmamaneho o defensive driving. Ibinahagi naman ng Land Transportation Office (LTO) ang mga regulasyon sa pagmamaneho at kung bakit ang pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi karapatan. Nanguna sa naturang programa sina CITMU Officer-in-Charge Rizaldy Nato, Chief Eugenio Peji ng LTO - Imus District Office, at PSMG Roy Vincent Reyes ng Imus Pulis. Ang Road Safety Awareness Program ay unang inilunsad ng CITMU sa day care centers sa Imus upang mahubog sa mga bata at kabataan ang kamalayan sa ligtas at responsableng paggamit ng kalye.