Sa kauna-unahang pagkakataon, libre na ang chemotherapy para sa mga Imuseño sa pagbubukas ng Imus Chemotherapy Center nitong Oktubre 20, 2025, sa Ospital ng Imus Compound, Pedro Reyes St., Malagasang I-G. Pinasalamatan ni Dr. John Paul Aclan, presidente ng Imus Chemotherapy Center, si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pakikipagtulungan nito upang makapaghatid ng libreng chemotherapy sa Imuseño cancer patients. “[M]araming salamat po, Mayor at sa buong local government ng Imus. . . . [N]gayon po, ang bawat Imuseño ay mayroon pong fighting chance na labanan ang sakit na kanser,” saad ni Dr. Aclan. Ipinahayag naman ni Mayor AA na ang naturang chemotherapy center ang solusyong matagal nang hinihintay ng cancer patients. “Bakit po importante ang chemo center dito sa Imus? Napakarami po tayong mga kababayan na may karamdaman, na cancer patient, at napakamahal po ng isang session. Kawawa naman po yung mga kababayan nating mahihirap na walang mahigit 100,000 [piso] na pang-chemo. Ito na po yung solusyon sa ating mga kababayan, hindi lamang po sa Imus, pero sabi ko nga po, priority ‘yong mga taga Imus,” ani Mayor AA. Sa pagbubukas ng center, humigit-kumulang 700 pasyente na ang nakatakdang sumailalim sa libreng chemotherapy sa pamamagitan ng kanilang PhilHealth membership. Ibinahagi rin ni Dr. Aclan ang prosesong pagdaraanan ng mga pasyente. Aniya, “Ang start po ng proseso ay mag-register lang po kayo sa ating link para maibigay po ang lahat ng detalye ng inyong karamdaman, at kami na po ang bahalang magproseso ng lahat po ng inyong pangangailangan. Dito po ay marami na tayong mga kababayang nakapila at naka-schedule para po sa kanilang diagnosis, consultation po sa ating mga oncologist, at most importantly po, ang treatment na pinakakailangan nila.” Ang Imus Chemotherapy Center ay may kakayahang tumanggap ng 40 hanggang 60 pasyente araw-araw. Bukas ito Lunes hanggang Biyernes mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Ito ay pribadong pagmamay-ari at katuwang lamang dito ang Pamahalaang Lungsod ng Imus.