Ganap nang pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ang kauna-unahang paupahang pabahay nito na AAngat Residences, matatagpuan sa Green Estate Subdivision, Barangay Malagasang I-F. Sa pamamagitan nito, mabibigyan na ng ligtas at marangal na tahanan ang 62 pamilyang naninirahan sa danger zones sa mga barangay Poblacion at Anabu—katunayan na isinasabuhay ni Mayor AA ang kanyang pangako na itaas ang kalidad ng buhay ng mga Imuseño. “Ang malasakit lang po namin bilang gobyerno, gusto naming ligtas kayo, gusto naming maayos ang inuuwian ninyo, gusto namin lahat ng tao [r]ito [ay] maging ligtas. May bagyo, may baha, at anumang sakuna ang dumaan, dapat hindi sila masasaktan. Kaya po naisip natin na magkaroon kayo ng isang maayos at marangal na pamamahay,” pahayag ng alkalde sa mga benepisyaryo. Ang bawat unit ng AAngat Residences ay mayroong 24 na metro kuwadradong sukat at buwanang upa na Php2,000.00 nang walang paunang bayad. Mayroon din itong apat na palapag at kabuuang sukat na 1,998.24 metro kuwadrado. Bukod pa rito, naganap ang pagbabasbas ng paupahang pabahay at ang seremonya ng pagtannggap ng susi ng mga benepisyaryo. Binigyang-pagbati rin nina Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, Konsehal Darwin Remulla, at iba pang mga konsehal at punong barangay ang mga pamilyang magsisimula nang manirahan sa AAngat Residences. Ang mga mangungupahan ay maaaring manatili rito hanggang sila ay makahanap ng mas angkop na tirahan. Patuloy ring mag-aabot ng tulong ang lokal na pamahalaan para sa tuluyan nilang pag-angat sa buhay.