Makulay, mapayapa, at masaya ang pagdiriwang ng Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar, o magiliw na tinatawag ng mga Imuseño na “Nana Pilar,” sa pagdaraos ng ika-45 karakol nitong Oktubre 11, 2025, isang araw bago ang ganap na kapistahan ng Patrona ng Diyosesis ng Imus. Muling binuhat nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang andas ni Nana Pilar bilang bahagi ng kanilang pananampalataya. Handog naman ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang gabi na puno ng saya at sayaw sa “Karakol: Saya at Sayaw ng Pagkakaisa Inter-Cluster Competition,” kung saan lumahok ang siyam na cluster ng Imus at nagwagi ang Cluster Four. Ilang araw bago ang kapistahan, dumalaw sa New Imus City Government Center ang replika ni Nana Pilar noong Oktubre 2, na bahagi ng Dalaw Patrona. Sinalubong ang Mahal na Birheng del Pilar nina Mayor AA, Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan, at ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Si Nana Pilar ang Patrona ng Diyosesis at ng Lungsod ng Imus, at ipinagdiriwang tuwing Oktubre 12 ang kanyang Dakilang Kapistahan.