Pasasalamat at katatagan ang naging sentro ng pagdiriwang ng Ospital ng Imus (ONI) noong Oktubre 10, 2025, sa ikapitong anibersaryo ng pagkakatatag nito. Kasama sa selebrasyon si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula na nagpahayag ng paghanga at pagpapaalala sa mga kawani ng ONI. “Salamat sa mga frontliner natin. Salamat sa inyo sa pitong taong pagseserbisyo. Salamat sa pag-aruga at pag-aalaga nang maayos sa ating mga kababayan. [H]uwag kayong magsasawa. . . ‘Yun nga [r]aw maayos laging ginagawan ng isyu. Pero, basta ipihit ang mata, trabaho lang tayo, pagbutihin lang natin. Suwerte tayo dahil tayo’y nasa posisyon na ‘to. Laging magmalasakit sa ating mga kababayan,” ani Mayor AA. Binigyang-pagkilala rin sa parehong araw ang husay at panahon sa pagseserbisyo ng mga kawani. Nakisaya rin sa pagdiriwang sina Konsehal Enzo Asistio—namumuno sa komite ng kalusugan, kalinisan, at populasyon—Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal AJ Sapitan, at Konsehal Sherwin Lares Comia. Nagpasalamat din sina Dr. Marco Aldrin Andaya, Officer-in-Charge (OIC) bilang Chief Administrative Officer at Dr. Mary Del Agarin-Bathan, OIC bilang Chief of Medical Professional Staff ng ONI. Ang Ospital ng Imus ay itinatag ng Pamahalaang Lungsod ng Imus noong Oktubre 12, 2018. Isa itong level one hospital na nagbibigay ng higit pa sa mga karaniwang serbisyo ng ospital na nakasailalim sa klasipikasyong ito.