Sinimulan nang ipatupad ang paggamit ng breath analyzer o breathalyzer ng kapulisan at traffic enforcers sa kanilang pagbabantay sa mga lansangan ng Imus sa isinagawang pilot run noong Oktubre 9, 2025, sa Barangay Anabu II-C. Ito ay matapos pangunahan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang ceremonial turn over ng pitong breathalyzer kasama sina PLTCOL Chey Chey Saulog ng Imus Pulis at Officer-in-Charge Rizaldy Nato ng Office of the City Mayor – City of Imus Traffic Management Unit. Nauna nang humingi ng pang-unawa si Mayor AA sa abalang idudulot nito sa mga motorista. Aniya, “Paumanhin po at maaabala kayo nang kaunti, pero kaligtasan niyo po ang hangad naming lahat. Naniniwala po kami, ligtas ang isang lungsod ‘pag mayroong ganitong precaution.” Dagdag pa ng alkalde na patuloy ang mga hakbang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para mapaigting ang disiplina at responsibilidad na nakaatang sa mga motorista.