Nanguna sa mga pagpupulong ng iba’t ibang komite at lupon si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ngayong Setyembre 2025. Una na niyang pinulong ang Local School Board noong Setyembre 5. Tinalakay rito ang bilang ng mga mag-aaral at kakulangan sa mga silid-aralan at palikuran sa lahat ng pampublikong aklatan sa Imus. Tinukoy rin ang mga lugar kung saan maaari pang magtayo ng mga bagong paaralan upang masolusyonan ang paglobo ng populasyon ng mga estudyante. Inilahad din ng Schools Division Office-Imus ang mga programang napagtagumpayan nila para sa pagpapabuti ng kalidad ng pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral. Idinaos naman nitong Setyembre 23 ang Third Joint Quarterly Meeting ng Save Manila Bay Task Force, City Solid Waste Management Board, Local Housing Board, Local Inter-Agency Committee, at Local Committee Against Squatting Syndicates and Professional Squatters. Napag-usapan dito ang nalalapit na paglilipat ng 62 benepisyaryo ng AAngat Residences, ang pagbabayad ng AyalaLand sa mga residente ng mga barangay Anabu I-G at Buhay na Tubig, at ang pagsasagawa ng isang pagpupulong bago ang demolisyon. Iniulat naman ng Local Housing Board ang progreso sa pagpapatupad ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH), Gawad Kalinga housing project, ang nakatakdang pagpapasinaya sa AAngat Residences. Samantala, tinalakay ng Save Manila Bay Task Force at City Solid Waste Management Board ang mga kinilalang natanggap ng Office of the City Environment and Natural Resources Officer, mga napagtagumpayan sa nakaraang quarter, iba’t ibang pagsusuri sa mga hakbang na isinasagawa ng lokal na pamahalaan para sa basura, at mga aktibidad na kanilang isasagawa. Sa pamamagitan ng mga ganitong pagpupulong, nalalaman at nauunawan ni Mayor AA ang estado at kalagayan ng Lungsod ng Imus.