City of Imus

Bantayog ni Jose Topacio Nueno, pinasinayaan sa ika-125 anibersaryo ng kapanganakan



September 30



Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ang Ika-125 anibersaryo ng kapanganakan ni Jose Topacio Nueno sa pagpapasinaya ng kanyang bantayog sa Imus Pilot Elementary School nitong Setyembre 30, 2025.

Kaagapay ang Office of the City Tourism and Heritage Officer, binigyang-papugay ang mga naiambag ni Nueno sa kasarinlan at kasaysayan ng Pilipinas. Pormal na ring ipinangalan sa kanya ang Nueno Avenue na ngayon ay kinikilala na bilang Jose T. Nueno Avenue, alinsunod na rin sa ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Imus.

Saksi sa makasaysayang kaganapan sina Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal Wency Lara, Konsehal Enzo Asistio, at mga inapo ni Nueno na sina Alberto Nueno Maluto, Sister Bernadette, at Reggie Topacio-Casas.

Dumalo rin sa pagpapasinaya si Rev. Fr. Danny Clamor na nagbasbas sa bantayog, mga kinatawan ng United States Veterans na sina Retired Senior Chief Petty Officer Golda Russell, Retired Technical Sergeant Michael Castle, at Retired Master Sergeant Edgardo Onas. Bahagi rin si Post President Elmer Garcines ng Veterans Federation of Philippines – Imus, Imus Historical Society, mga mag-aaral ng Imus Pilot Elementary School, kasama si School Principal Dr. Divina Narvaez, at ang Sangguniang Barangay ng Poblacion I-A at IV-D.

Ipinanganak si Jose Topacio Nueno sa Imus noong 1900 kina Felipe Topacio at Dionisia Nueno. Mahusay si Nueno sa larangan ng batas, diplomasya, edukasyon, pamamahayag, at literature.

Naging bahagi siya ng Parliamentary Independence Mission ng Pilipinas sa Estados Unidos mula 1923 –1925. Naging Guerilla Colonel din siya ng 11th Airborne Division ng United States Army noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at kinalaunan ay naglingkod bilang konsehal at kongresista ng lungsod ng Maynila. Inirepresenta ni Nueno ang bansa sa United Nations nang mapabilang sa delegasyon noong 1948 kasama ang noong presidente ng United National General Assembly na si Carlos P. Romulo.

Namayapa si Nueno noong 1967.