Malikhaing paglaban kontra ilegal na droga ang ibinahagi sa mahigit 100 junior at senior high school students mula sa siyam na paaralan sa Imus sa paglunsad ng “CinemaKabata: Filmmaking Workshop and Orientation on Illegal Drug Use” nitong Setyembre 18–19, 2025, sa Children and Youth Development Center, Imus Pilot Elementary School. Una nang itinuro ni Pastor Jeruel Chua, coordinator ng City of Imus Anti-Drug Abuse Council (CIADAC) – Community-based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) ang mga sanhi at epekto ng paggamit ng ilegal na droga, at ang mga pamamaraang kanilang isinasagawa upang mailayo sa ilegal na droga ang mga kabataan. Iba’t ibang direktor naman ang nagbahagi ng kanilang kaalaman patungkol sa paggawa ng pelikula. Nanguna si Noel Escondo sa pagpapaliwanag kung paano magagamit ang pelikula sa paglalahad ng mensaheng nais nilang ipabatid tulad ng nakasisirang epekto sa lipunan ng ipinagbabawal na gamot. Tinalakay ni Jigs Ejercito ang cinematography at directing, habang itinuro ni Mira Ticlao ang iba’t ibang filming techniques at proseso ng production planning. Samantala, ipinagbigay-alam ni Tim Villanueva ang basics of storytelling, scriptwriting, at script development workshops. Sinubok naman ni Kevin Regalado ang talento ng mga kabataan sa aktingan, at nagbigay-gabay hinggil sa basic editing at post-production sina Escondo at Ejercito. Nakatakdang gumawa ng pelikula ang mga mag-aaral na ipalalabas sa Nobyembre 19–20. Ang Cinemakabata ay pinangungunahan ng Office of the City Mayor – Peace and Order and Public Safety, City of Imus Council for the Protection of Children, at CIADAC.