City of Imus

Bakuna Eskwela 2025, inilunsad sa Imus



September 12



Ganap nang sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang pagbabakuna sa mga pampublikong paaralan sa Imus noong Setyembre 12, 2025, sa Imus Pilot Elementary School.

Ang Bakuna Eskwela o School-Based Immunization ay isang programa ng pamahalaan na layong mabakunahan ang mga estudyanteng nasa Grade 1 ng bakuna kontra tigdas, rubella, tetano, at dipterya (MR-Td), at mga kababaihang estudyante na nasa ikaapat na antas ng bakuna kontra Human Papillomavirus (HPV) at cervical cancer.

Ipinakita sa 150 mag-aaral kung paano sila babakunahan sa pamamagitan ng pagbabakuna sa limang Grade 1 students at limang Grade 4 students. Ipinaliwanag naman nina Dr. Jennifer Alba-Roamar at Dr. Gelyn Golamco ng Office of the City Health Officer (OCHO) ang kahalagahan ng mga bakuna bilang proteksyon sa mga mapanganib na sakit gaya ng tigdas, tigdas hangin, tetano, dipterya, HPV, at cervical cancer.

Bilang suporta, dumalo sa naturang kick-off sina Konsehal Enzo Asistio — Committee Chairperson on Health, CHO Dr. Ferdinand Mina, Nurse Michelle Dionisio mula sa Interlocal Health Zone ng Department of Health (DOH) – Provincial Office, School Principal Dr. Divina Narvaez, mga nurse ng National Immunization Program, Barangay Health Workers, mga guro, at mga magulang.

Bago ang kick-off ceremony, nauna nang nabakunahan ang humigit-kumulang 90 mag-aaral ng Tinabunan Elementary School noong Setyembre 3.

Nagsasagawa rin ang OCHO ng oryentasyon sa mga pampublikong paaralan sa Imus bago ang aktuwal na pagbabakuna upang mas maliwanagan ang mga estudyante at mga magulang patungkol sa importansya ng bakuna sa kanilang kalusugan.