Sa layuning mailapit sa mga Imuseño ang mga pangunahing serbisyo, inilunsad ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang programang AAksyon Caravan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus nitong Setyembre 8, 2025, sa Barcelona III Covered Court, Brgy. Buhay na Tubig. “Binaba lang ho natin ‘yong serbiysong ganito sa ating mga kababayan dahil alam po nating medyo malayo-layo pa sa ngayon ang city government, kaya po inilalapit natin sa tao ang tulong. Kami na ho ang pupunta sa mga bara-barangay. [At] ito po ay regular naming gagawin,” inilahad ni Mayor AA. Nauna nang hinatiran ng serbisyong medikal, legal, at panlipunan ang mahigit 1,000 residente. Kabilang na ang paghahandog ng libreng pustiso, konsultasyon sa mata, reading glasses, at operasyon sa katarata ng tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula. Nagtulungan din ang Office of the City Health Officer at Ospital ng Imus upang makapaghatid ng libreng konsultasyong medikal at gamot. Muli ring nailapit sa mga Imuseño ang libreng legal na konsultasyon at notaryo ng Office of the City Legal Officer at ang libreng late birth registration ng Office of the City Civil Registrar. Samantala, mas pinadali ang pagkuha ng senior citizen’s ID at booklet ng mga nakatatandang Imuseño sa tulong ng Office of the Senior Citizens Affairs. Bahagi rin ang Office of the Persons with Disability (PWD) Affairs Officer sa paggabay sa mga may kapansanan na magkaroon ng PWD ID at iba pang mga tulong. Abot-kamay ring inilapit ang iba’t ibang serbisyo ng Office of the City Social Welfare and Development Officer. Kinabibilangan ito ng pagproseso ng Solo Parent ID, PhilHealth Indigency Membership, Certificate of Indigency mula sa Public Attorney’s Office, Minors Local Travel, paghahatid ng ambulansya, pansamantalang pangangalaga sa bata, Social Case Study Report, tulong pinansyal, pampaaral, pangmedikal, at pampalibing, at aplikasyon para sa programang Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa. Dinala rin ni Mayor AA ang kanyang People’s Day upang personal na makumusta at mapakinggan ang mga pangangailangan at hinaing ng kanyang mga nasasakupan. Ang AAksyon Caravan ay inisyatibo ng administrasyong Advincula tungo sa mas inklusibong pagseserbisyo, kung saan walang Imuseño ang kailanmang maiiwan.