Pinarangalan ang karunungan at lakas ng 115 kabataang Imuseño sa ginanap na Dunong at Lakas Awarding Ceremony nitong Agosto 19, 2025, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Ginawaran ng sertipiko ng pagkilala at cash incentives ang mga mamamahayag sa mga pampublikong paaralan at mga kabataang atleta sa larangan ng softball, football, table tennis, swimming, gymnastics, tennis, chess, taekwondo, sepak takraw, at juvenile dancesport, athletics. Isa sa mga kinilala ay ang atletang Imuseño na si Jonnalyn Halasan na malaki ang pasasalamat sa suporta ng lokal na pamahalaan at ng mga tagapagsanay upang mapagtagumpayan niya ang larangan ng athletics. Nagkamit si Halasan ng isang pilak at dalawang gintong medalya sa paglahok sa Palarong Pambansa sa dalawang magkasunod na taon. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Ateneo de Manila University at nagwagi ng gintong medalya sa Triple Jump at pilak na medalya sa Long Jump categories ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87-2024. Pinapurihan din ang mga katangi-tanging kabataang Imuseño nina City of Imus Sports Development Unit Officer-in-Charge Jericho Reyes at Chief of Staff Atty. Tricia Barzaga, bilang kinatawan ni Imus City Mayor Alex "AA" L. Advincula. Sa pamamagitan ng Dunong at Lakas, nabibigyan ng pagkilala ang mga kabataang Imuseñong pinatunayan ang kanilang talino at lakas sa bansa.