Wagi ang mga kabataang Imuseño na maipagmalaki ang galing ng mga Pilipino nang maiuwi ang iba’t ibang pagkilala para sa kanilang mga natatanging imbensyon sa larangan ng makabagong teknolohiya at pagtugon sa mga kalamidad sa International Exhibition for Young Investors (IEYI) 2025 noong Agosto 6–7, 2025, na ginanap sa Osaka, Japan. Pinarangalan ng gintong medalya at ng Japanese Institute of Invention and Innovation Special Award ang mga mag-aaral ng Gen. Emilio Aguinaldo National High School (GEANHS) para sa kanilang imbensyong “HelioDisk: A Portable Heat Detection System.” Ang mga kabataang imbentor ay kinabibilangan nina John Paul Sumalde, Railye Kurt Ramos, at Eduardo Miguel Carandang, kasama ang kanilang mga tagapagsanay na sina G. Justin Angelo Salazar at G. Jyco Mykel Del Rosario. Tansong medalya at Samurai AI Rated "A" Invention Awards naman ang iniuwi ng mga estudyante ng Gen. Flaviano Yengko Senior High School para sa kanilang imbensyong “Smart Auto Dissemination System Mosquito Larvae Vector Control (Powered by RaspberryPi and YOLOv8 Computer Visual Integration).” Ito ay nilikha nina Nicole Micah Meneses, Jacob Ayden Anthony Bautista, at Leonie Flouret Garcia, sa tulong ng kanilang tagapagsanay na si G. Rodrigo Boquiron. Samantala, natanggap ng mga mag-aaral ng GEANHS na sina Akeisha Coreene Salado, Anton Angelo Chatto, at Jaime Benjamin Suñer — kaagapay ang tagapagsanay na si G. Justin Angelo Salazar — ang Taiwan Special Award at Vietnam Excellent Invention Award para sa kanilang imbensyong “STAR: Sun Tracking Automatic Rotator.” Ang mga pagkilalang nakamit ng mga kabataang Imuseño ay patunay na buong suporta ang ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod ng Imus upang malinang ang kanilang mga talento at kahusayan.