City of Imus

Imus Pride 2025: Makulay ang Ating Layunin



July



Nagmistulang bahaghari ang Imus City Plaza sa pagsasama-sama ng makukulay na miyembro at kakampi ng LGBTQIA+ community sa ginanap na Imus Pride 2025 noong Hulyo 5, 2025, bilang pagtatapos ng Pride Month.

Pinatingkad ng mga kilalang personalidad na sina Kween Yasmin, Au Rora, at Destiny Roze Galore ang gabi sa kanilang pagtatanghal.

Mas sumigla rin ito nang magtanghal ang mga miyembro ng komunidad suot ang kanilang makulay at malikhaing kasuotan sa Pride Costume Contest. Ipinahayag din ng mga miyembro ang kanilang puso’t damdamin sa pamamagitan ng pagsayaw, pag-awit, at pagsasalaysay ng mga kuwento ng pag-asa.

Bahagi ng pagdiriwang sina Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Glian Ilagan, Konsehal AJ Sapitan, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Mark Villanueva, at Local Youth Development Office (LYDO) Officer-in-Charge Jericho Reyes. Samantala, iba’t ibang aktibidad ang idinaos ng SK Federation, LYDO, at youth organizations sa buwan ng Hunyo.

SOGIE Bill Seminar at Laro ng Ikatlong Lahi

Dinaluhan ng humigit-kumulang 200 kabataang Imuseño ang seminar na “Rights that PRIDEtect: Understanding the SOGIE Bill" at ang “Laro ng Ikatlong Lahi” noong Hunyo 28 sa Brgy. Toclong I-C.

Tinalakay ng presidente ng AVES Civil Society na si Ivan James Fermanejo sa naturang seminar ang mga karapatan na maipagkakaloob sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa ilalim ng isinusulong na Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill. Binibigyang-diin ng SOGIE Bill ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga Pilipino, anuman ang kanilang kasarian.

Nagharap naman ang mga manlalaro ng volleyball at basketball sa “Laro ng Ikatlong Lahi.”

HIV/AIDS Awareness Seminar at Stigma Reduction Workshop

Sentro ng usapin ang HIV at AIDS sa isinagawang HIV/AIDS Awareness Seminar at Stigma Reduction Workshop noong Hunyo 20 sa Function Hall, New Imus City Government Center.

Ibinahagi nina City Health Officer Dr. Ferdinand Mina, Dr. Rico Pranc Estilla, at Nurse Gerald Piñon sa 192 Imuseño ang mga kaalaman patungkol sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS), kung paano ito maiiwasan, at mga hakbangin laban sa diskriminasyon at stigma.

Binigyang-lakas din ni Edwin Samot — isang matagumpay na hairdresser at tagapagtaguyod ng kamalayan sa HIV — ang mga lumahok upang maipagpatuloy ang laban sa HIV at AIDS. Taunang nakikiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Pride Month tuwing Hunyo. Isang patunay sa adhikain ng lokal na pamahalaan ng pagkakaroon ng pantay na karapatan at pagtingin sa bawat Imuseño.