City of Imus

Aksyon sa Gitna ng Kalamidad: Tugon ng Imus LGU sa pananalasa ng habagat sa Imus



July 18-26



Libo-libong Imuseño ang inilikas ng Pamahalaang Lungsod ng Imus bunsod ng matinding pag- ulang dala ng habagat na pinalakas ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong mula Hulyo 18–26, 2025.

Agad na nagparating ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng binaha at pansamantalang nanuluyan sa evacuation centers.

Personal na binisita nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, at ng mga konsehal ang evacuees sa mga barangay Alapan II-B, Bayan Luma I, Medicion II-A, II-C, at II-F, at Toclong II-B.

Kinumusta rin ni Cavite Governor Abeng Remulla ang mga Imuseño sa kanyang pagbisita sa Tinabunan Elementary School, Brgy. Pag-asa I nitong Hulyo 24.

Iba’t ibang mga indibiduwal at mga grupo rin ang nagpaabot ng kanilang tulong sa mga Imuseñong pansamantalang nanuluyan sa evacuation centers.

Sa tulong naman ng Office of the City Health Officer (OCHO), nabigyan ng kaukulang atensyong medikal ang mga Imuseñong lumusong sa baha at sa matinding ulan. Nanatili ring bukas ang Imus City Health Centers, City of Imus Birthing Home, at City of Imus Diagnostic Laboratory.

Sa isang panayam kay Office of the City Disaster Risk Reduction and Management Officer (OCDRRMO) Head Marisel Cayetano, ibinahagi niya ang mga naging paghahanda, aksyon, at mga hakbang na tatahakin ng tanggapan pagkatapos ng kalamidad na ito.

“Ilang araw pa lang bago dumating ang mga nakaambang panganib—mga bagyo, mga pag- ulan—ay nagpatawag na tayo ng pre-disaster risk assessment sa council members, kung saan tinalakay po natin ang mga paghahanda ng lahat ng members,” pahayag ni OCDRRMO Head Cayetano.

Dagdag pa niya, “Pagkatapos ng kalamidad na ito ay magkakaroon po tayo ng rapid damage assessment and analysis, kung saan inaalam po natin [kung] ano po ba ang mga naging pinsala, at ano po ang mga pangangailangan at tugon na dapat nating ibigay sa mga Imuseño.” Nanawagan naman si OCDRRMO Head Cayetano sa mga Imuseño na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad hinggil sa paglikas.

“Matuto rin po sana tayong sumunod sa mga panawagan natin, lalo na sa pre-emptive evacuation, na kung saan, hindi pa man dumarating ang mataas na tubig ay lumikas na, at huwag nang hintaying mag-conduct ng force evacuation,” ani Cayetano.

Katuwang ng OCDRRMO sa paglikas ng mga residente ang Imus Pulis at Bureau of Fire Protection.

Samantala, naging abala sa paglilinis ang pinagsamang puwersa ng Office of the City Engineer at Office of the City Environment and Natural Resources Officer.

Tuluyang nakauwi ang lahat ng evacuee sa kani-kanilang mga bahay noong Hulyo 26, alas- kuwatro y medya ng hapon.