City of Imus

Cardinal Tagle bumisita sa Imus LGU



July 21



Pinaunlakan ni His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle, taal na Imuseño at dating obispo ng Diyosesis ng Imus, ang imbitasyon na maging panauhing tagapagsalita nitong Lunes, Hulyo 21, 2025 sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Pinagnilayan ng mga serbisyo publiko ang mensahe ni Cardinal Tagle patungkol sa kahalagahan ng pagiging isang mabuti at simpleng lider na hindi naghahangad ng papuri mula sa mga nasasakupan.

"Gawin mo ang iyong dapat gawin sa maayos [at] sa simpleng pamamaraan. Huwag kang maghahanap na ikaw ay kilalanin. 'Yan ay ibibigay sa iyo kung naglilingkod ka nang maayos. 'Pag hindi ka naglingkod nang maayos 'yong hinahanap mo ay hindi mo makukuha," saad ni Cardinal Tagle.

Dagdag pa ng kardinal, ang paglilingkod sa bayan ay dapat taos-pusong iniaaalay sa mamamayan.

Sinalubong si Cardinal Tagle ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ni Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, mga konsehal, at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Pinangunahan din ng kardinal ang lingguhang Sunday Gospel ni Mayor AA noong Hulyo 27. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagtitiwala at ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagdarasal.

Kamakailan ay itinalaga ni Pope Leo XIV si Cardinal Tagle bilang Cardinal-Bishop ng Suburbicarian Diocese of Albano.