Sa layuning mapalakas pa ang urban gardening at sustainable agriculture, idinaos ng Office of the City Agriculturist ang PINAKA: Urban Gardening Contest nitong Enero 31, 2026, sa Brgy. Mariano Espeleta II Covered Court.
More Info
Inihatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite ang libreng dental at medikal na konsultasyon para sa mga Imuseño nitong Enero 30, 2025, sa Palazzo Bello 1, Brgy. Carsadang Bago II, bilang bahagi ng pangangalaga sa kanilang kalusugan. Sa pamamagitan nito, nakatanggap ng libreng gamot at bunot ang mga dumalong Imuseño. Kinumusta rin nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang mga lumahok.
Nakasama sa usapan patungkol sa kahalagahan ng pagpapatupad ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa idinaos na Mayor’s Dialogue nitong Enero 28, 2026, sa Lungsod San Juan. Nanguna sa talakayan sina Senator Bam Aquino, Department of Education Secretary Sonny Angara, at San Juan City Mayor Francis Zamora. Tiniyak ni Mayor AA na buo ang suporta niya sa pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng mga silid-aralan tungo sa mataas na kalidad ng edukasyon sa bansa.
Magkakasamang nanumpa kay Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang 752 guro at iba pang kawani ng Department of Education (DepEd) – Schools Division Office (SDO) Imus sa isinagawang “Panunumpa sa Tungkulin ng mga Bagong Guro at Pagtatalaga sa mga Guro at Kawani sa Higit na Mataas na Katungkulan” nitong Enero 26, 2026, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Kaagapay sa panunumpa sina SD Superintendent (SDS) Homer Mendoza at Assistant SDS Glenda Catadman. Lubos ang suportang ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa SDO Imus para patuloy na maitaas ang kalidad ng edukasyon na ibinibigay sa mga mag-aaral.
Binisita ng mga puwersa ng Imus Bureau of Fire Protection (BFP) at Imus Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula para sa taunang New Year’s Call nitong Enero 26, 2026. Bahagi ng talakayan ng BFP at ni Mayor AA ay ang pagpapalakas ng kaligtasan ng mga Imuseño mula sa sunog at kahandaan sa anumang mga sakuna at kalamidad. Sentro naman ng naging usapan ng BJMP at ng alkalde ang pagpapaigting sa seguridad at pagpapabuti ng kalagayan sa piitan para sa kapakanan ng persons deprived of liberty (PDL). Tuloy-tuloy ang pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa BFP at BJMP para mapanatili ang kaligtasan ng mga Imuseño.
Tinatayang 15,053 negosyo ang nag-aplay ng kanilang business permit sa Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) ng Pamahalaang Lungsod ng Imus mula Enero 2–30, 2026, sa New Imus City Government Center.
More Info
Ginanap ang muling paglulunsad ng AAksyon Caravan nitong Enero 24, 2026, sa Liwayway Homes Subdivision Covered Court, Brgy. Anabu I-C, upang patuloy na maihatid sa mga Imuseño ang mga pangunahing serbisyo ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.
More Info
Nakiisa si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa isinagawang Medical Mission ni Cavite Sangguniang Kabataan Federation President Chelsea Sarno nitong Enero 23, 2026, sa Greenpark Villas II, Brgy. Malagasang II-C, bilang pagdiriwang ng kanyang kaarawan. Ang naturang medical mission ay programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite na layong mailapit sa mamamayan ang libreng serbisyong medikal. Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para maihatid ang mga pangunahing serbisyo sa bawat Imuseño.
Pinag-isang dibdib ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang 31 magkasintahan sa kauna-unahang Kasalang Imuseño ngayong taon na ginanap nitong Enero 21, 2026, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Sa kanyang seremonya ng pagkakasal, nagbigay ng paalala ang alkalde upang maging matatag ang pagsasama ng mga mag-asawa. Nagbigay rin ng mensahe si Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula bilang suporta sa mga bagong kasal. Hinandugan din nila ng munting regalo ang mga magkasintahan upang makatulong sa pagsisimula ng bagong yugto ng kanilang mga buhay. Samantala, nagbahagi ng Salita ng Diyos si Pastor Ramil Ilano. Tinatayang umabot na sa 820 pares ang naikasal na sa Kasalang Imuseño.
Malugod na sinalubong ni Punong Barangay Gina Hynson ng Maharlika, Lungsod ng Imus ang 30 estudyante ng abogasya mula sa Victoria University – Melbourne, Australia nitong Enero 21, 2026, bilang bahagi ng Study Abroad Program ng De La Salle University – Dasmariñas (DLSUD), kung saan napag-alaman nila ang legal na sistema ng Pilipinas sa mga barangay. Nagbigay-daan ito para lumalim ang pang-unawa ng mga mag-aaral kaugnay ng pinakamaliit na sangay ng pamahalaan at umiiral na legal na proseso ng bansa.
Malugod na pinaunlakan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang puwersa ng Imus Pulis sa taunang New Year’s Call nitong Enero 19, 2026, sa kanyang tanggapan sa New Imus City Government Center. Pinangunahan ni PTCOL Chey Chey Saulog ang naturang pagtitipon kasama ang station commanders, mga bagong pulis, at mga kadete ng Philippine National Police Academy. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor AA ang kahalagahan ng maayos at disiplinadong kapulisan para sa kaligtasan ng mamamayan at kapayapaan ng lungsod. “Gusto natin sa Imus na makatulog nang mahimbing ang ating mga mamamayan, hindi abusado ang mga kapulisan, at nakita ko nangyayari naman,” ani ng alkalde. Patuloy rin ang lokal na pamahalaan sa pagpapaigting ng seguridad sa Imus sa pamamagitan ng pagpapakabit ng mga karagdagang CCTV cameras sa mag pangunahing lansangan sa buong lungsod at pagpapatrolya ng pulisya.
Pormal na ibinahagi ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) – Imus at ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang walong bagong laptop sa mga guro at mga uniporme sa mga mag-aaral na nasa Open High School Program ng Gen. Tomas Mascardo National High School (GTMNHS) nitong Enero 17, 2026, upang malinang pa nang lubusan mapalakas ang kakayahan ng mga guro at mag-aaral sa paggamit ng makabagong teknolohiya at magkaroon ng maayos na kagamitan sa pag-aaral. Nanguna sa seremonya ng paggawad sina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Officer-in-Charge – Schools Division Superintendent Homer Mendoza, Officer-in-Charge – Assistant Schools Division Superintendent Glenda Catadman, at GTMNHS Principal Lailani Torres. Ayon kay Mayor AA, ang pamamahagi ng mga laptop at uniporme ay bahagi ng kanyang prayoridad na masiguro ang magandang kalidad ng edukasyon sa Imus. Ang Open High School Program ay isang distance-learning alternative ng DepEd para sa mga nais makapagtapos ng high school tulad ng working students, out-of-school youth, walang pinansyal na kakayahang makapasok sa tradisyunal na silid-aralan, at mayroong kapansanan.