Pinangunahan ng OCM-(Imus) Public Employment Service Office (PESO), sa pamumuno ni Officer-in-Charge Cecile Foz, katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Migrant Workers (DMW), ang pagdaraos ng Labor Day Mega Job Fair at Overseas Filipino Workers (OFW) Caravan: One-Stop Shop Service nitong Abril 30, 2026, sa City of Imus Sports Complex.
More Info
Idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng Office of the Local Economic Development and Investment Promotions Officer (OLEDIPO) ni LEDIPO Jhett Vilbar-Lungcay, ang “Bureau of Internal Revenue (BIR) Dialogue 2026: Buwis 101 – Taxes Made Easy” nitong Abril 30, 2026, sa Function Hall, New Imus City Government Center, upang mas maintindihan ng mga negosyanteng Imuseño ang konsepto ng buwis.
More Info
Libre na ang dialysis treatment sa Imus sa pormal na pagbubukas ng Imus Renal Care Dialysis Center—isang pampubliko-pribadong pagtutulungan ng naturang dialysis center at ng Pamahalaang Lungsod ng Imus—nitong Abril 30, 2026, sa Ospital ng Imus Compound, Pedro Reyes St., Malagasang I-G, Lungsod ng Imus, Cavite.
More Info
Hinirang ang Barangay Maharlika bilang Regional Winner para sa Component City Category sa idinaos na 2026 Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA) Regional Assessment/Validation ng Department of the Interior and Local Government Region IV-A (CALABARZON) na ginanap mula Marso 24 hanggang Abril 15, 2026. Ang parangal ay pagkilala sa masigasig na pagpapatupad ng maayos na pamamahala at epektibong paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mamamayan ng Barangay Maharlika. Nakatakdang irepresenta ng Maharlika ang rehiyon ng CALABARZON sa pambansang antas ng naturang kategorya.
Sumailalim sa libreng Clinical Breast Examination (CBE) at Visual Inspection using Acetic Acid (VIA) screening ang 96 na kababaihang Imuseño sa isinagawang breast at cervical cancer screening ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na pinangasiwaan ng Office of the City Health Officer (OCHO) mula Marso 31 – Abril 21, 2026.
More Info
Ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 2,569 na indigent senior citizens ang kanilang social pension nitong Abril 23, 2026, sa mga barangay ng Carsadang Bago II, Malagasang II-B, Buhay na Tubig, Bayan Luma I, Anabu II-D, at Pinagbuklod. Pinangasiwaan ito ng Office of the City Mayor – Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA), katuwang ang Office of the City Social Welfare and Development Officer (OCSWDO), bilang karagdagang suporta sa mga lolo at lolang may higit na pinansyal na pangangailangan. Tuloy-tuloy rin ang pamahalaang lungsod sa pamamahagi ng social pension ng mga nakatatandang Imuseño.
Pormal na ibinigay ng Philippine Statistics Authority (PSA) Cavite, pinangunahan ni Gerald Amoroso, sa Pamahalaang Lungsod ng Imus ang 2024 Population Census – Community-Based Monitoring System (POPCEN-CBMS) nitong Abril 21, 2026, sa New Imus City Government Center, upang magamit sa mas epektibong pagpalano at pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at serbisyo ng lokal na pamahalaan. Nanguna sa pagtanggap ang Office of the City Planning and Development Coordinator (OCPDC), kasama sina City Administrator Lauro Monzon, City Information Officer at Data Privacy Officer Ervin Ace Navarette, at iba pang department at unit heads. Sinisiguro din ng lokal na pamahalaan ang maayos na paggamit ng datos para sa patuloy na pag-unlad ng mga Imuseño.
Nagsagawa ng maigting na pag-iikot ang mga awtoridad sa Lungsod ng Imus noong Abril 9, 2026, upang higit na matiyak ang kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan sa mga komunidad. Ininspeksyon ng mga kapulisan at kawani ng barangay ang disiplina at pakikiisa ng mamamayan sa pagpapaigting ng mga ordinansa tulad ng mas mahigpit na pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad, pagbawal ng pag-inom ng alak sa labas ng bahay, at katahimikan pagsapit ng alas-diez ng gabi. Tinitiyak din ng naturang inspeksyon na wastong nasusunod ng mga Imuseño ang mga pinaiiral na batas, alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government.
Matagumpay na nagsipagtapos ang 393 mag-aaral ng City College of Imus (CCI) mula sa 17 teknikal at bokasyonal na mga kurso noong Abril 15, 2026, sa City of Imus Sports Complex.
More Info
Bumisita si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, kasama ang mga kawani ng Office of the City Environment and Natural Resources Officer at Office of the City Engineer, sa Lungsod Pasig noong Abril 14, 2026, para alamin ang mga kasanayang kanilang ipinatutupad sa Pasig City Innovation for Circular Economy (ICE) Hub.
More Info
Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at Commission on Audit (COA), idinaos ang COA Exit Conference noong Abril 14, 2026, sa New Imus City Government Center para pag-usapan ang resulta ng isinagawang pagsisiyasat o audit ng COA sa taong 2025. Napag-alaman ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at ng department heads ng lokal na pamahalaan ang mga pamamaraan na dapat pang ayusin at pagbutihin para matiyak ang mas maayos na pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at aktibidad, gayundin ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Imuseño.
Sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ng Office of the City Mayor-City of Imus Public Library (OCM-CIPL) ang Digital Literacy Training: Video Editing Fundamentals para sa mga Imuseñong nais lumikha ng video content noong Abril 14, 2026, sa Computer Room ng OCM-CIPL sa New Imus City Government Center. Itinuro ni Crismel Gida sa 22 Imuseño ang mahahalagang kaalaman sa video editing, habang ibinahagi nina Sherwin Latoja at Marco Paulo Castro ang kanilang kaalaman sa makabagong paraan ng pagbibidyo. Layon din ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na mapalawak pa ang digital skills ng mga Imuseño upang makatulong sa kanilang pagkatuto at paghahanapbuhay.
Isinagawa ang Mass Oath-Taking Ceremony ng 170 opisyal mula sa 21 Homeowners’ Association (HOA) ng Lungsod ng Imus noong Abril 13, 2026, sa Function Hall, New Imus City Government Center, sa pangunguna ng Angat Imus Homeowners’ Alliance Inc. (AIMHAI). Sa pamamagitan nito, mas napa(g)titibay ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga opisyal ng HOA upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa kani-kanilang komunidad. Nanumpa ang mga opisyal sa harap ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, kasama sina Cavite Third District Representative Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, at mga konsehal. Hangad din ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang epektibo at makabuluhang pamumuno ng bawat HOA sa Imus.
Opisyal nang binuksan ng tanggapan ni Cavite Third District Representative Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, ang Ikaapat na Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament noong Abril 11, 2026, sa City of Imus Sports Complex.
More Info
Napuno ng makukulay at malilikhaing pupugayo ang kaulapan ng Café 10/23 sa kahabaan ng Imus Boulevard, Brgy. Malagasang 2-C noong Abril 9, 2026, sa paglipad ng saranggola ng mga Imuseño sa ikatlong taon ng Pupugayo Festival 2026.
More Info
Pormal na pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang tatlong bagong-bihis na covered court at bagong Homeowners Association (HOA) Office sa lungsod matapos basbasan ang mga ito noong Abril 8 at 21, 2026. Pinangunahan ni Cavite Third District Representative Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang opisyal na pagbubukas ng mga covered court sa Gawad Kalinga Homes, Brgy. Alapan II-B; Regal Homes, Brgy. Alapan I-A; at Sarreal Village, Brgy. Bucandala II, habang nanguna sa pormal na pagbubukas ng HOA Office sa Greengate Homes, Brgy. Malagasang II-B si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula kasama ang mga opisyal ng barangay. Ang pagsasaayos at pagpapaganda sa mga covered court ay bunga ng mithiin ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng maayos na pampublikong espasyo ang mga Imuseño.
Binisita ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang isinasagawang pagsasaayos sa kanal at kalsada ng Brgy. Medicion II-F noong Abril 10, 2026, upang masigurong maayos na naipatutupad ang proyekto. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pangmatagalang solusyon ang mga residenteng taon-taong problema ang pagbaha tuwing malakas ang buhos ng ulan. Kasama ng alkalde sa pag-iikot si City Engineer Chris Sarno na pinangungunahan ang proyekto. Ayon pa kay Mayor AA, sinisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na matapos ang pagsasaayos sa kanal at kalsada bago pumasok ang panahon ng tag-ulan.
Matagumpay na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, ang pinansyal na tulong para sa 6,515 Imuseñong miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) mula Abril 8–14, 2026, na isinagawa sa Brgy. Malagasang I-G Covered Court, bilang tulong ng pamahalaan sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo. Ang bawat miyembro ng TODA ay nakatanggap ng P5,000, kung saan hinati sa tatlong bahagi ang pamimigay para mapabilis, mapadali, at maging mas maayos ang kanilang pagkuha. Patuloy ang pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga Imuseño, higit ang mga drayber at operator, sa gitna ng kinahaharap na krisis sa enerhiya ng bansa.