City of Imus

MSME Month 2025: Pagsasama-sama ng mga negosyanteng Imuseño


July


Pagpapalakas sa maliliit na negosyo ang binigyang-pansin ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Month sa buong buwan ng Hulyo 2025.

More Info


Imus Pride 2025: Makulay ang Ating Layunin


July


Nagmistulang bahaghari ang Imus City Plaza sa pagsasama-sama ng makukulay na miyembro at kakampi ng LGBTQIA+ community sa ginanap na Imus Pride 2025 noong Hulyo 5, 2025, bilang pagtatapos ng Pride Month.

More Info


4 na Imuseño, hinandugan ni Mayor AA ng prosthetic legs


July


Panibagong pag-asa at lakas sa buhay ang inihandog ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa apat na Imuseñong nakatanggap ng bagong prosthetic legs. Kinilala ang mga Imuseñong sina Mariano Tabing, Oscar Castillo, Desiporo Rovero, at Orlando Arevalo. Noon pa man, bahagi na ng mga adbokasiya ni Mayor AA na matulungan ang mga Imuseño na muling makalakad nang maayos sa pamamagitan ng pagkakaloob ng prosthetic legs.


Cong. AJ hinirang bilang Deputy Majority Floor Leader sa Kamara


July 29


Nahalal bilang Deputy Majority Floor Leader si Cavite Third District Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula sa pagbubukas ng Ika-20 Kongreso nitong Hulyo 29, 2025. Sa kanyang pagkakahalal, nagpasalamat si Cong. AJ sa tiwala at suportang ibinigay sa kanya ng mga kapwa kongresista. Nasa ikalawang termino na bilang kinatawan ng Imus sa pamahalaang nasyunal ang kongresista.


Imus LGU, pinasinayaan ang 5 bagong ambulansya


July 28


Mas mabilis na ang pagresponde ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa emergencies nang pasinayaan ang limang karagdadang ambulansya nitong Hulyo 28, 2025, sa New Imus City Government Center. Pinangunahan ni Rev. Fr. Manny Villas ang pagbabasbas kasama sina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, mga konsehal, at si Office of the City Disaster Risk Reduction and Management Officer (OCDRRMO) Head Marisel Cayetano. Ginugunita tuwing Hulyo ang National Disaster Resilience Month, alinsunod sa Kautusang Ehekutibo Blg. 2017, taong 2017. Tema nito ngayong taon ang “Kumikilos para sa Kahandaan, Kaligtasan, at Katatagan.


Aksyon sa Gitna ng Kalamidad: Tugon ng Imus LGU sa pananalasa ng habagat sa Imus


July 18-26


Libo-libong Imuseño ang inilikas ng Pamahalaang Lungsod ng Imus bunsod ng matinding pag- ulang dala ng habagat na pinalakas ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong mula Hulyo 18–26, 2025.

More Info


Mayor AA, nakatanggap ng pagkilala mula BJMP CALABARZON


July 25


Kinilala si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ng Bureau of Jail Management and Penology Regional Office (BJMPRO) – CALABARZON sa selebrasyon ng ika-24 na anibersaryo ng tanggapan nitong Hulyo 25, 2025, sa Malvar, Batangas. Bunsod ito ng kanyang kahanga-hangang kontribusyon sa mandato ng BJMP na mabigyan ng makatao at maayos na pansamantalang panuluyan at mapaunlad ang iba’t ibang kasanayan at kakayahan ng persons deprived of liberty.


Cardinal Tagle bumisita sa Imus LGU


July 21


Pinaunlakan ni His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle, taal na Imuseño at dating obispo ng Diyosesis ng Imus, ang imbitasyon na maging panauhing tagapagsalita nitong Lunes, Hulyo 21, 2025 sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

More Info


Imus LGU, kinilala ng PDEA Regional Office IV-A


July 18


Pinarangalan ng plake ng pagkilala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office IV-A sa Ika-23 selebrasyon ng anibersaryo ng PDEA nitong Hulyo 18, 2025, na ginanap sa lungsod ng Sta. Rosa, Laguna. Ang pagkilalang ito ay patunay sa epektibong pagpapatupad ng lokal na pamahalaan ng mga programa at proyekto kontra ilegal na droga. Patuloy ang administrasyong Advincula sa pakikiisa sa laban upang tuluyang masugpo ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa Imus.


25 bagong halal na opisyal ng HOA sa Imus, nanumpa


July 14


Pinangunahan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang malawakang panunumpa ng 25 bagong halal na opisyal ng Homeowners Associations (HOA) sa Imus nitong Hulyo 14, 2025, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Nasaksihan ito nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, Konsehal Shernan Jaro, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal AJ Sapitan Jr., Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan, at Liga ng mga Barangay President Reymundo Ramirez. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na sa pamamagitan ng mga bagong halal na opisyal ng HOA ay mas tumibay pa ang samahan ng mga ito, gayundin sa mamamayan ng mga pamayanang kanilang kinabibilangan.


Mayor AA, pinulong ang Gender and Development Unit


July 11


Nakipagpulong si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa mga miyembro ng Gender and Development (GAD) Focal Point System noong Hulyo 11, 2025, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Katuwang si GAD Officer-in-Charge Doris Sagenes, napag-usapan dito ang mga naisakatuparang programa noong 2024 at unang bahagi ng 2025. Inilatag din ng mga tanggapan ang kani-kanilang plano para sa patuloy na pag-unlad ng bawat kasarian sa taong 2026. Tinalakay rin ang isinasagawang pagsasanay ng GAD Focal Point System. Mandato ng mga lokal na pamahalaan na maiangat ang pang-unawa sa kahalagahan ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, higit ang pagpapalakas ng karapatan at kakayahan ng mga kababaihan.


Mga kawani ng Imus LGU sumailalim sa sorpresang mandatory drug testing


July 10


Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Annual Mandatory Drug Testing ng mga kawani noong Hulyo 10, 2025, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Ang sorpresang drug testing na ito ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng Imus Pulis, Peace and Order and Public Safety Office (POPS), Office of the Human Resource Management Officer (OHRMO), Office of the City Engineer (OCE), at Logistics Team. Layon nitong masigurong nagsisilbi nang tapat at malinis ang mga kawani ng lokal na pamahalaan.


39 sari-sari store owners, benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program


July 9


Sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), naipagkaloob nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang karagdagang puhunan sa 39 na Imuseñong may-ari ng mga sari-sari store noong Hulyo 9, 2025, sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP). Handog din ito ng magkapatid na senador na sina Senador Pia Cayetano at Alan Peter Cayetano. Ang SLP ay isa sa mga programa ng DSWD na layong matulungang magkapuhunan para sa isang maliit na negosyo ang mga Pilipinong kapos sa buhay.


Mayor AA, binisita si Imuseño centenarian Sevilla Ancheta


July 9


Kinumusta ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang Imuseño centenarian na si Sevilla Ancheta nitong Hulyo 9, 2025, matapos ipagdiwang ang kanyang ika-100 kaarawan noong Hulyo 4. Naghandog din ang alkalde ng grocery package at hygiene kit kay Nanay Villa. Iginagawad ang P100,000 sa mga Pilipinong edad 100 taon, batay sa Batas Republika Blg. 10868, o ang “Centenarians Act of 2016.”


Kauna-unahang sesyon ng Ikaanim na Sangguniang Panlungsod ng Imus, idinaos


July 7


Ganap nang binuksan ng Ikaanim na Sangguniang Panlungsod ng Imus ang kauna-unahang sesyon nito noong Hulyo 7, 2025, sa New Imus City Government Center.

More Info


Real Property Tax Amnesty, handog ng Imus LGU


July 3-5


Ipinatupad na ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang amnestiya para sa buwis sa mga lupain at ari-arian sa Imus simula Hulyo 3, 2025 – Hulyo 5, 2026. Sa pamamagitan nito, maaari nang bayaran ng mga Imuseño ang buwis sa kanilang mga lupain at ari-arian — kabilang na ang Special Education Fund, Idle Land Tax, at iba pang special levy taxes — nang walang multa, karagdagang bayad, o interes.


Dietary Supplementary Program: Buntis Feeding, dinaluhan ng 50 buntis


July 4


Kinumusta ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang 50 buntis na kulang ang sustansya sa katawan sa ginanap na Dietary Supplementary Program: Buntis Feeding ng Office of the City Health Officer (OCHO) noong Hulyo 4, 2025, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Ipinaliwanag nina Regional Nutrition Program Coordinator Lourdes Bulante, City Health Officer Dr. Ferdinand Mina, Dr. Gelyn Golamco, Dr. Larni Topacio, at Dr. Cherrylyn Boque ang kahalagahan ng masustansyang pagkain ng mga nagbubuntis at nagpapasuso. Nakinig din dito ang 100 Barangay Nutrition Scholar (BNS) bilang mga katuwang sa nutrisyon ng mga buntis sa kani-kanilang barangay. Dinaluhan din ito nina Konsehal Yen Saquilayan, namumuno sa Komite ng mga Kababaihan, at Konsehal Enzo Asistio, namumuno sa Komite ng Kalusugan.